End This War – Kabanata 24

Kabanata 24

Dysmenorrhea

Hindi na nanonood ng practice si Hector. Dalawang araw na at parang iniiwasan niya ako. Hindi ko naman alam kung bakit. May haka akong nagalit talaga siya nang pinatulan ko siya sa harap ng mga kagrupo ko. Feeling ko nainsulto siya dahil napataob ko siya nun.

Hindi niya rin ako hinihintay sa bawat pag uwi ko. Alam kong busy siya sa booth nila at sa practice game kaya ipinagkibit balikat ko na lang iyon.

Wait a minute, bakit ako mamomroblema sa cold treatment niya sa akin? Bahala siya! Problema niya na iyon. Tutal siya naman itong nanliligaw.

Oh my gosh! Hindi kaya ito na yung sukatan ko? Dito na nagtatapos ang lahat? Hindi kaya give up na siya sa panliligaw sa akin? Sa lupa namin?

Noong isang araw ay nagawa niya pang mang deadma sakin sa corridor.

“Anong nangyari dun?” Tanong ni Jobel nang nilagpasan kami ni Hector.

Kahit na nagtataka din ako ay ipinagkibit balikat ko na lang iyon. Ayoko ng mag abala sa pag iisip kung anong pinagpuputok ng butchi niya. Ilang sandali ang nakalipas nang nakalayo na si Hector ay si Kathy at Abby naman ngayon ang bumalandra sa harapan ko. Pareho silang nakahalukipkip at nakataas ang kilay.

“Kawawa ka naman, Alde.” Sabay tapik ni Kathy sa kanyang braso. “Wala ka ng tagapagtanggol ngayon. Bumaliktad na siya sayo.” Confident niyang sinabi sa akin.

“Anong gagawin niyo ngayon? Buhusan ulit ako ng ihi?” Matapang kong tanong sabay tingin kay Abby.

Nakita ko ang nairitang ekspresyon ni Abby sa akin. Hinila naman ako nina Sarah palayo sa kanila.

“Ano ka ba, Chesca. Ikaw talaga. Ang hilig mong maghamon ng away.” Bulong nila sa akin.

“Hindi ako naghahamon.” Pagtatama ko.

“May araw ka rin samin, Chesca!” Nanggagalaiting sigaw ni Kathy.

Mukhang tama sila. Wala na nga ang tagapag tanggol ko. Sumuko na siya. Ang bilis palang sumuko ng isang Hector Dela Merced. Buong akala ko ay magkakamatayan pa bago siya sumuko pero mali ako.

Pinaglalaruan ko ang ballpen ko habang nagsasalita yung sexyng professor namin sa harap. Magkatabi kaming dalawa ni Hector at ito na ang huling subject naming dalawa. Pagkatapos nito ay may practice game yata siya at may practice naman ako sa cheering.

Medyo iba yung pakiramdam ko ngayon. May kung anong pamimigat sa puson akong nararamdaman. Period ko na ba? Hindi ko alam. Siguro naman hindi ako aatakihin ng dysmenorrhea, ano? Noong nakaraang buwan, hindi naman ako nagka dysmenorrhea.

“Okay, get one whole sheet of paper para sa quiz natin. Magiging busy na tayo simula next week sa festival kaya walang pasok. Kailangan kong i assess sa ngayon kung ano na ang mga natutunan ninyo.” Sabi ng maganda naming prof.

Wala paring imik si Hector sa akin kaya sinubukan kong makipag usap sa kanya.

“Pahinging papel.” Sabi ko.

“Hindi ka ba nagdadala ng papel? Sana di ka na lang pumasok.” Suplado niyang sinabi.

Tumaas agad ang sungay at kilay ko, “Sorry kung ganun. Wag kang mag alala, next time di ako papasok.”

Napatingin siya sakin at padabog niya akong binigyan ng papel.

“Ano, Hector…” Bulong ko. “Suko ka na ba?”

Natigilan siya sa tanong ko. Buong akala ko ay papatulan niya ang panunuya ko pero nagkamali ako.

“Tsss.” Iyon lang ang naging sagot niya.

Na disappoint ako. Hindi kaya talagang suko na siya at hindi niya lang masabi? Natapos ko ang quiz nang wala kaming imikang dalawa. At natapos ang buong klase na nararamdaman ko na ang early signs ng dysmenorrhea. Leche! Ngayon pa ata aatake!? May practice kami sa cheering!

Napatingala ako nang bigla siyang umalis pagkatapos agad ng period. Nagmamadali siya. Para bang nandidiri siya sa kinauupuan niya. Napalunok ako at may parte sa sistema kong nanghinayang ng lubos.

Then? So what! It’s his loss! Tapos na! Tapos na yung panliligaw niya! I should be happy, right? Pero may kaonting kurot sa puso ko. Hindi ko mawari kung para saan ang kurot na iyon? Ang alam ko lang ay patuloy na lumilipad ang isip ko sa kanya kahit sa kalagitnaan ng practice.

“BOOO! ALDE! PANGIT MO!” Sigaw ni Kathy sa malayo.

Nandito kasi sa soccerfield lahat ng cheering squads. Parang final practice na ito kaya nagtitipon tipon na kami. Kahit na may pakiusap ang trainor naming huwag daw iperform yung ibang stunts para ma windang sa finals yung mga tao.

“ALDE! BOOOO!” Sigaw ng iba.

Napapalingon ako kahit na wala naman akong pakealam sa sinabi nila. Disturbing kasi ang mga hiyaw nila lalo na pagnagtatawanan sila. Kaya dumoble ang mga pagkakamali ko. Dagdagan pa ng sumasama kong pakiramdam, mas lalo lang akong nahirapan sa routines.

“Chesca! Hayaan mo sila!” Sigaw ng trainor.

Panay na ang mura niya sa ibang team. Pinagbantaan niya na ang mga itong isusumbong pero hindi parin sila tumitigil.

Hanggang sa nang umakyat na ako sa balikat ni Greg ay naramdaman ko na ang pangangatog ng binti ko at pagdilim ng paningin ko.

“Shit ang sakit ng puson ko.” Reklamo ko kay Gary sabay upo kahit na alam kong ma a-out balance ako.

“BOOO! AYAN NA! BABAGSAK NA YAN!” Sigaw ng nagtatawanang taga ibang squad.

Pumikit ako at bumigay na lang hanggang sa naramdaman ko ang mga kamay ng kasama kong nasa paligid ko. Nakahiga na ako sa field at malamig na ang pakiramdam ko sa buong mukha ko.

“Namumutla si Chesca! Tubig, Gary!” Sigaw ni Jobel.

Sinubukan kong bumangon pero may mga kamay na nagpipigil sa akin.

“Wag muna, Chesca. Sobrang maputla ka na!” Sigaw ni Marie.

“ANO BA YAN? BOOO ALDE!” Sigaw nina Kathy.

“BOOO! NABALIAN NA BA?” May isa pang sumigaw.

“Boo! FRACES-“

Hindi na naipagpatuloy ang huling sigaw. Nakahiga ako kaya hindi ko alam ang nangyari. Ang alam ko lang ay natahimik ang lahat at napatingin sina Jobel at ang buong squad sa mga babaeng panay ang hiyaw kanina.

“Anong nangyayari?” Sambit ko habang dinidiin ang kamay ko sa puson.

Damn! It hurts so much!

Unti unti kong naramdaman ang pagtayo nila sa gilid ko. Lumayo sila ng paunti-unti kaya hindi ko naiwasan ang pag bangon. Unti-unti akong bumangon kahit na medyo nahihilo parin ako at naaninag ko ang nag aalab sa galit na mga mata ni Hector Dela Merced.

“Anong ginagawa mo dit-” Hindi ko na naipagpatuloy.

Basta niya na lang akong ikinulong sa bisig niya at binuhat. Nakita ko sina Kathy sa likuran niya. May nakita akong tumikhim, umiling, at nabigo sa ginawa niya. Galit na galit si Kathy habang tinuturo niya ako.

“He-Hector!” Aniya. “Hindi ba galit ka sa babaeng yan!?” May halong desperation ang kanyang boses.

“Oo nga… Diba galit ka sakin?” Pabulong kong sinabi habang dinadama ang kamay niyang nasa balikat at legs ko.

“Oo, galit ako!” Malamig na sinabi ni Hector kay Kathy.

Kinagat ko ang labi ko.

“Then, put me down.” Bulong at hamon ko sa kanya.

Bumaling siya sakin at itinaas niya ang kanyang kilay, “Galit lang ako. Hindi ko sinabing tumigil na ako sayo.”

Inirapan ko siya. Gusto ko pa sanang sumagot kaya lang naramdaman ko ulit iyong pagtindig ng balahibo ko dahil sa sobrang sakit ng puson ko.

Napapikit ako.

“Hector!” Tawag ulit ni Kathy. Narinig ko ang pagkabasag sa boses niya. “Ano ba? Nahihibang ka na ba talaga?”

Naramdaman kong hinarap siya ni Hector. Hindi ko kayang manood dahil masyado na talagang masakit ang puson ko para mag alala pa sa mga nangyayari.

“Told you before. This girl is mine. Galit man ako, akin parin siya. At oo, nahihibang na nga siguro ako. Kung hindi niyo iyon maintindihan…” Mas lalong lumamig ang boses niya. “Then you’re free to leave.”

Humakbang ulit si Hector. Papalayo na kami nang narinig ko ang munting hagulhol sa di kalayuang soccerfield. Umiyak si Kathy? At batid kong hindi lang siya ang umiiyak… marami.

“Sakit ng puson ko.” Daing ko.

“Malapit na tayo sa clinic. Anong gusto mo? Ihahatid kita sa bahay niyo?” Medyo nag aalala niyang tanong.

“Sa clinic na lang muna!” Sabay pikit ko.

Hindi ko ata maistura kung ihahatid niya agad ako sa bahay habang inaatake ako ng dysmenorrhea. Pagkarating ko sa clinic ay agad na akong nanghingi ng napkin at nag CR kahit na nahihilo pa.

“Ilang oras yung dysmenorrhea attack mo madalas?” Tanong ng babaeng nurse.

“Isang oras.” Sabi ko sabay higa sa kama at lagay ng unan sa puson.

“Ipainom mo siya nito, Hector.” Sabi ng nurse kay Hector.

“Ano ‘to?”

Tumikhim ang nurse, “Pain reliever.”

Ilang sandali ang nakalipas ay pinainom ako ni Hector ng pain reliever. Alam kong hindi diretso ang effect nito kaya humiga ulit ako.

“Dysmenorrhea? Nagkakaroon ka pala niyan?” Tanong ni Hector.

“Wag mo nga akong kausapin!”

Nag coconcentrate ako sa paglalagay ng unan sa puson ko habang siya ay panay parin ang salita.

“Hindi parin ba tumatalab ang gamot? Anong gamot ba iyon at mukhang di naman pala epektibo?”

“Hindi naman kasi agaran.” Sabi nung nurse.

“Masakit parin ba? Pa rate nga ng sakit? 1 to 10, highest ang 10. Gaano ka sakit?”

“Leche, Hector! Tumahimik ka nga!” Sigaw ko habang nagpapagulong gulong na sa kama sa sobrang sakit.

“Nurse!” Sigaw ni Hector. “Normal pa ba ito? Bakit parang sobrang sakit niyan!?”

“Normal yan, Hector.” Malumanay na sagot ng nurse sa nagpapanic na si Hector.

Ang dami niya pang sinasabi. Hindi ko na nasundan dahil masyado ng masakit ang puson ko. Nang medyo napawi na ay narinig ko ang pag tawag niya sa kanyang tita sa cellphone.

“May dysmenorrhea si Chesca, ano po ang gamot nito? Nag aalala na po ako, kasi pagulong gulong na siya sa kama.”

Kinagat ko ang labi ko tsaka hinila ang kumot sa katawan ko. Mukhang hindi na gaanong masakit. Buti at naagapan. Minsan kasi umaabot ng tatlong oras ang atake ng dysmenorrhea ko.

“Alcohol? Beer?” Tanong ni Hector sa cellphone. “Pain reliever?”

Sumulyap ako sa kanya. Nakita kong nakatitig siya sakin habang nasa tainga niya ang cellphone niya. Bumaling ako sa nurse na humihikab at hindi naman gaanong nagpapanic, di tulad niya.

Nang ibinalik ko ang paningin ko sa kanya ay nakita kong namilog ang kanyang mga mata sa gulat dahil sa sinabi ng kanyang tita.

Bahagya akong bumangon sa kinahihigaan ko. Medyo okay na nga ang pakiramdam ko. Babangon na nga lang ako, mamaya matagusan pa ako sa kakahiga.

“Totoo ba yan, tita?” Tumalikod si Hector at humina ang boses niya.

Sinuklay ko ang buhok ko gamit ang mga daliri ko.

“Nawawala ba talaga ang dysmenorrhea pagkatapos manganak? So pag nabuntis, at magkakaanak, nawawala?”

Agarang kumunot ang noo ko sa naririnig sa kanya. Hindi ko na napigilan ang pagdampot ng malaking unan at ang pag bato nito sa ulo niya.

“Aray!” Aniya sabay tingin sakin.

“TAPOS NA! WALA NA AKONG DYSMENORRHEA! Wag ka ng OA! PWEDE?” Inirapan ko na bago tumayo.

“Okay!” Aniya sabay dalo agad sakin at hawak sa kamay ko na para bang anytime ay pwede akong mabasag sa kinatatayuan ko.

Napatingala ako sa kanya. Tumingin din siya sa akin. His eyes were intense. Iyong tipong hindi mo kayang titigan ng matagal dahil baka maiwala ka nito. Nag iwas ako ng tingin.

“Okay na?” Tanong nung nurse.

Tumayo siya at umambang aalis sa clinic.

“Kunin ko lang ang logbook. Papapirmahin kita. Wag muna kayong umalis.” Aniya at lumabas sa clinic.

Nagkatinginan ulit kami ni Hector. Ngayon, kaming dalawa na lang sa loob ng clinic. Napatingin din ako sa kamay naming magkahawak. Pinilit kong kunin ang kamay ko. Kinalas niya rin yung kanyang kamay sa akin. Umupo ako sa kama at tumingala sa kanya. Nakaawang ang kanyang bibig at nandun parin ang panic sa mga mata niya.

Ngumisi ako. “Okay na ako.”

Marahan siyang tumango at suminghap.

Ngumuso ako.

Binalot kami ng matinding katahimikan. Nakatitig siya sa akin samantalang hindi naman ako makatingin ng diretso sa kanya.

“Galit ka sakin?” Tanong ko habang tinitingnan ang tiles ng clinic.

“Oo.”

“Edi give up ka na? Masyado na ba akong mataray para sayo?” Tanong ko sabay tingin sa kanya.

“Hindi mo ba ako narinig kanina? Kahit galit ako, akin ka.” Aniya.

Nagkatitigan kaming dalawa. Hindi ko talaga siya makuha. Naguguluhan na ako. Totoo ba itong mga sinasabi niya? O nagpapanggap lang siya? Hindi ko alam. Ang tanging alam ko lang ngayon ay bumibilis na naman ang pintig ng puso ko habang tinititigan siya.

“Hindi ako sayo, hanggang di ko sinasabing mahal din kita.” Malamig kong utas.

“Alam ko. Kaya nga ako nanliligaw diba? Para mapaibig kita.”

Hindi ako makapaniwala sa susunod kong tanong. Nag aalinlangan pa akong itanong iyon pero hindi ko mapigilan ang bibig ko. Lalo na ngayong kitang kita ko sa malalalim niyang mga mata ang sinseridad na hindi ko dapat nakikita. Nag iwas agad ako ng tingin.

“Bakit mo ako mahal?” Tanong ko.

Buong akala ko ay hindi niya masasagot iyon. Pero diretso ang sagot niya pagkatapos ng tanong ko.

“Kailangan ba iyon ng rason?”


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: