Kabanata 67
Mahal Ko Rin Siya
Umiiyak ako sa kwarto ng tumawag si Wade sakin. Matagal kong sinagot yung tawag. Inayos ko pa kasi ang boses ko. Wala akong balak na maglihim sa kanya, ang ikinakatakot ko lang ngayon ay ang pag aalala niya. Nakaya ko namang mag isa, kaya’t hindi niya na kailangang mag alala. Baka umuwi lang iyon dito kahit di pa natatapos ang concert niya sa L.A.
“Hello?” Mahina ang boses ko.
Hindi siya agad sumagot. Para bang inisip niya munang mabuti kung may problema ba ako dahil sa boses ko.
“Wade?” Tawag ko, ngayon gamit na ang mas maaliwalas na boses.
“Ayos ka lang ba, Reina? May problema ka ba?”
Hindi ako makapaniwalang sa tono lang ng boses niya ibinase na may problema ako.
“Wala, Wade.” Bumungisngis ako ng bahagya. “Nandito yung family ko para magcelebrate dun sa tagumpay ko sa Fashion Week. Alam mo na, maraming nakapansin sa gawa ko.”
“I know… Congratulations, Reina. I’m so proud of you…” He sighed.
“Thank you…” Nabasag ang boses ko sa huling salitang binanggit.
Halos pukpukin ko na ang ulo ko sa inis sa sarili. Tumigil ka nga, Reina!
“Reina, uuwi ako pagkatapos ng L.A concert. You have to tell me what’s your problem…” Aniya.
Umiling ako kahit alam kong di niya iyon nakikita, “Wala, Wade. Tapusin mo muna yung concert mo. Can’t wait to see you… Miss na miss lang kita.”
Hindi siya naniniwalang wala akong dinaramdam. Ayaw ko munang sabihin sa kanya ang nangyari. Knowing Wade, baka dumiretso lang iyon dito nang di tinatapos ang concert para lang ipagtanggol ako.
“You don’t have to worry, Wade, I’m doing fine.” Sabi ko sa kanya sa huli. “And Wade…” Sabi ko.
“Reina?”
“Makikipagkita siguro ako kay Shan this Friday.” Sabi ko.
“Bakit? May appointment kayo?”
“Nope… I’ll tell her about us.”
Hindi ko alam kung padalos-dalos ba yung desisyon ko o yun talaga ang matagal ko ng pinag iisipan. SIya. Siya yung gusto kong makausap. Dahil karamihan sa fans ni Wade ay fans din niya, kaya nga may WadeSha dahil iyon ang gusto nila para sa kanilang dalawang iniidolo. Ramdam ko sa mga sagot ni Wade ang pag aalala at pagtitiwala. Para bang pinipilit niya ang sarili niyang hayaan ako sa desisyon ko, pero hindi niya parin magawang ipaubaya sakin ang lahat.
Mas pinili kong sa high end na restaurant kaming magkita. At least, publiko pero wala masyadong madla na mag aabang sa kanya. Sa restaurant ng Le Marcelle kami nagkita. Naka itim na dress siya, naka ponytail ang buhok at may malaking sun glasses.
Hindi niya alam ang pag uusapan namin. Mabuti nga at pumayag siya kahit busy siya. Aniya’y wala dawng problema basta kaibigan niya. Masaya ako’t tinuturing niya akong kaibigan. Pero pagkatapos nito, hindi ko alam kung kaya niya pa ako tawaging ganun.
Tumayo siya nang dumating ako. Grey ang kulay ng dress ko at nakalugay lang ang buhok, tulad ng lagi kong ayos.
“Nabigla talaga ako at nakipagkita ka sakin, Reina! Hindi ko alam kung nananaginip ba ako o ano…” Tumawa siya at nagbeso sakin.
Nabigla ako sa pagiging affectionate niya masyado sakin.
Sabay kaming umupo. Umorder ako ng maiinom. Ganun rin ang inorder niya.
“Hectic talaga ang schedule ko ngayon. Buti na lang at nung nag set ka ng date ay wala pa akong appointment.” Tumawa siya.
Ngumiti din ako, “Thank you sa pakikipagkita sakin.”
“Uy, masyado kang formal! Ganyan ba talaga pag anak mayaman?” Tumawa ulit siya.
Hindi naman sa ganun pero talagang di ko magawang bumungisngis kasabay niya gayung may maselan akong sasabihin.
Marami kaming pinag usapan, tungkol sa showbiz, mostly. Kasi iyon naman yung lagi niyang binabanggit, ‘sumisikat’ na raw ako at kailangan ko ng background sa showbiz.
“Nagsimula ako sa child star, diba? Kaya hindi ko na masyado maalala kung paano ako nag aadjust sa mga situation. Bigla na lang akong namulat na alam ko na kung paano. Ikaw? Alam kong pinanganak ka ring sikat, pero hindi tulad sa aking sa showbiz.”
“Hindi naman talaga ako sanay na sanay sa pagiging sikat. Ang alam ko lang, hindi na ako nabibigla kung may nakakakilala sakin.”
Ngumisi siya, “Aww, nakakainggit.” Aniya.
Paikot-ikot ang topic namin hanggang sa napadpad kami kay Wade.
“Si Wade kasi nagmula sa hirap. Alam mo yun? Hinahangaan ko talaga yung mga taong ganun. Down to earth ang pamilya niya. Down to earth din siya. Matalino. Alam mo bang gumraduate siyang Magna Cum Laude- Ay oo nga pala, diba schoolmates kayo?” Tanong niya.
Tumango ako, “First year college nang nag classmate kaming dalawa sa Philosophy. Nakilala ko siya dahil sumali siya sa Zeus, yung banda nina Liam ngayon.”
“Oo nga… Alam ko yun eh. Tapos bigla siyang kinuha sa Going South. Si Adam kasi kilala niya na noon pa. Pareho yata silang taga Alegria.”
Alegria. Naalala ko lahat ng nangyari sa probinsyang iyon. Yung pananakit ko kay Wade, yung pagtatakwil ko sa sarili kong nararamdaman para sa kanya…
“Bakit nga ba talaga siya umalis sa Zeus. Ang alam ko, may offer na rin sila sa Moon Records noon…” Humilig si Shan sa mesa para makinig sa sasabihin ko.
“Nung umalis siya, nawala yung offer kasi hindi sila makahanap ng pamalit kay Wade. Nadisband ang Zeus.” Dagdag ko.
“Ang mean talaga ni Wade…” Suminghap siya. “Sayang yung Zeus noon eh.”
“Umalis siya dahil galit siya sakin.”
Kinalas ni Shan ang pagkakapangalumbaba niya at uminom ng tubig.
“Galit siya sayo? Bakit?” Tanong niya pagkatapos niyang uminom.
Hindi ako makapaniwalang normal ko itong sasabihin sa kanya. Hindi ko makita ang mga mata niya dahil naka sun glasses siya pero hindi ko iyon ipapahubad sa kanya. Alam kong kailangan niya yun, kahit na hindi siya dinudumog dito, nasa public place parin kami.
“Naging boyfriend ko siya noon.”
Hindi na sumagot si Shan. Natigilan na lang siya. Para bang dapat may kasunod pa yung sinasabi ko kaya pinagpatuloy ko iyon.
“Hinusgahan ko siya. Buong akala ko, totoong ginamit niya lang ako para makapasok sa banda. Iyon ang plano nila ni Zoey. Pero hindi niya iyon tinuloy dahil minahal niya na ako.”
Tumindig ang balahibo ko sa sinabi ko. Nakita kong napalunok si Shan at tumango.
“Really?” Halos matawa siya sa sinabi ko pero bakas sa boses niya ang panginginig.
Hindi ako nagsalita. Hinintay ko munang maproseso niya iyong impormasyon.
“Pero bakit? I mean…” Tumawa siya ng bahagya. “Saan… Saang bansa ka nga galing, Reina? Saan ka nag aral?”
“France.” Sagot ko.
Patuloy siyang umiiling habang umiinom ng tubig, “A-Are you… resigning? What are your plans? Bakit mo s-sinasabi sakin ‘to? Hindi na ba kayo nagkakasundo ni-ni Wade?”
Ramdam ko ang pagkakataranta niya sa mga tanong niya.
“God!” Hinawakan niya ang kanyang noo.
“Hindi, Shan, nagpaplano akong lumabas. Wade’s been vocal about your fake relationship. Lagi niyang nidedeny ang relasyon niyo sa publiko.”
Well, except nung kakarating ko lang. May pa ‘no comment’ pa siyang nalalaman. Pinagseselos yata ako noon.
“N-Nagkabalikan kayo?”
Nakita ko ang isang luhang tumakas sa ilalim ng sunglass niya. Nanginginig ang nakaawang niyang labi habang hinihintay ang sagot ko.
Dahan-dahan akong tumango. Bumuhos yung luha niya. Panay ang punas niya gamit ang mga tissue sa harapan namin.
“I-I’m sorry, Reina… It’s just…”
Nataranta ako. Kinuha ko yung mga tissue at ibinigay sa kanya. Tinanggap niya rin naman ang mga ito.
“It’s just… I love Wade.” Pabulong niyang sinabi. “I’m in love with him.”
Nanlaki ang mga mata ko. I saw this coming, pero nakakabigla parin.
“He’s harsh… He’s eccentric… pero I adore his talents and charisma so much!” Mas lalo siyang humagulhol.
Iyong tipong hindi ko na maagapan ang pagtulo ng luha niya. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari ay sana sa condo niya na lang kami nagkita.
Tumango na lang ako.
“I know… Mahal ko rin siya kaya naiintindihan kita.” Kinurot ang puso ko sa sinabi ko.
Ang weird… Ang weird pag may kilala kang mahal din ang taong mahal mo.
“Alam mo yung tumitindig… yung balahibo ko tuwing lumalapit siya? A-Alam mo yung u-umaasa ako na isang araw, kahit na harsh siya, pag m-magustuhan niya ako, worth it. Kasi alam mo yun, may hinihintay siyang bumalik n-na taga ibang bansa. Ibig sabihin, k-kaya niyang maghintay… P-Puro yung nararamdaman niyang pagmamahal.”
“May hinihintay siyang taga ibang bansa?”
“Oo. Sinabi niya iyon noon, sa isang interview tungkol sa tattoo niya.”
Kinagat ko ang labi ko.
“It was you, right? Ikaw yung hinihintay niya.”
Hindi ako nagsalita. Hindi ko alam kung may iba pa ba…
“And-And his tattoo… Hindi niya sinasabi kung anong ibig sabihin ng tattoo niya…” Aniya.
“It’s Reina, Shan. Alibata yung ginamit niya para buuin ang pangalan ko.”
Mas lalo siyang humagulhol.
“Reina… Carmela… his dog. Sinasabi niyang mahal na mahal niya si Carmela…”
Napangiwi ako nang naalala ko yung aso ni Wade. Believe me, sweet pakinggan pero damn Rivas!
Namuo din ang luha ko dahil sa realization ko. Noon pa man, kahit wala pa ako dito, nagpaparinig na siya sakin.
“I love him, Reina. Kaya kong maghintay kasi alam kong worth it na kung umibig siya. I-I’ve heard he’s a playboy, noon. Pero tahimik lang siya sa parteng yan… Para bang ikinakahiya niyang napagdaanan niya iyon. Pero kita naman siguro sa karisma niya, alam niya kung paano magdala ng mga tao, simple lang sakanya ang makihalubilo. And the stage is natural for him, hindi siya kinakabahan tuwing nag peperform.. at nakakaya niyang paibigin ka sa i-isang kanta lang.”
Nakikita ko ang sarili ko sa mga sinasabi niya. Ganung-ganun din ang nararamdaman ko. Tumango na lang ako at napapikit. Nag concentrate ako sa paghinga ng tama para hindi ako tuluyang humagulhol.
“A-At sana… sana di ka na lang bumalik.” Tumigil siya at humikbi.
Doon lang din tumulo ang luha ko. I know what she lost… Kung hindi ako bumalik, malaki ang pag asa nila ni Wade. Baka nga mapaibig niya si Wade. She’s not that bad. She speaks her mind. Noon pa man, nakita ko na ang pagiging totoo niya kay Wade. At iyon ang naging dahilan kung bakit ako napansin ni Wade noon. Kaya hindi ako magtataka kung isang araw ay mahulog ng tuluyan si Wade sa kanya, lalo na kung di ako bumalik.
Tumango ako.
“Reina, can you leave me, please. Don’t worry, hindi ako magsasalita sa media. Hihintayin ko yung pag amin niyo ni Wade. H-Hindi ko nga lang maipapangako na sa inyo yung fans. I can’t control them… I-I will try to…” Humikbi siya.
Tumayo ako at inayos ang sarili ko.
“I’m sorry, Shan. I’m sorry…” Sabi ko.
Nag alinlangan pa akong umalis pero hindi niya na ako pinansin. Humikbi na lang siya at inaayos ang sarili.
[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]