End This War – Kabanata 15

Kabanata 15

Ang Baho Mo

Pinalabas ni Hector ang kanyang cellphone at agad may nidial na number. Ako naman ay pumipiglas sa kamay niya. Umiinit ang pisngi ko kasi naamoy ko ang sarili ko. Ano ba yung binuhos ni Abby sa akin at bakit nangangamoy ako?

Pinagtitinginan kami ng mga tao. May mga makakapal ang mukha pang tumuturo sa akin na para bang may milagro kaming ginagawa.

Diretso ang labas namin ng school. Binalingan ako ni Hector nang nakalabas na kami.

Namilog ang mga mata ko dahil bumalandra na naman sa akin ang gwapo niyang mukha at ang kanyang katawan.

“Bakit lagi ka na lang nakahubad pag nakikita kita?” Nag iwas ako ng tingin at bahagyang umatras.

Nakakahiya kasi alam kong naaamoy niya ako. Parang patay na daga at ihi ng kabayong pinagsama ang amoy. Hindi na nga lang ako humihinga para hindi ko maamoy at maiwasan ko ang pagsusuka.

“Ba’t ka umaatras?”

Patuloy ako sa paglayo at patuloy naman siya sa paghila sa akin.

“Bitiwan mo nga ako.” Sabi ko at halos umusok na ang pisngi ko sa init.

Hindi ko kayang tingnan ang nakakaloose thread na panty niyang mukha habang mukha akong basang sisiw at nangangamoy pa.

Hinawakan niya ng mas mahigpit ang pulso ko at hinila pa palapit sa kanya.

“Ang baho ko, Hector! Pwede ba!” Nanliit ang boses ko.

Biglang may nag park na itim na sasakyan sa harapan namin. Ito yung Jeep Commander na pag aari nila. Buong akala ko ay kina Koko ito dahil akala ko si Koko ang Dela Merced.

Binuksan niya ang pinto at inilahad sa akin.

“Ha? U-Uuwi na ako sa bahay.” Sabi ko.

Hindi ko kayang pumasok sa sasakyan niya ng ganito ka baho.

“Sige na, Chesca.” Hinila niya ako kaya nag pumiglas ako.

Sobrang lapit niya na sa akin kaya mas lalong uminit ang pisngi ko.

“Ba’t ka namumula?” Tanong niya.

“Eh!” Binawi ko ang kamay ko sa kanya.

Nakatingin ang driver ng kanilang SUV saming dalawa habang nagtatalo sa labas.

“Pumasok ka na nga lang.” Utos niya.

“Saan mo ba ako dadalhin?”

Lumapit ulit siya sakin kaya lumayo ulit ako.

Nakita kong nag igting ang bagang niya sa ginagawa ko kaya humakbang ulit siya palapit. Lumayo ulit ako at mas lalong uminit ang pisngi ko. Humakbang pa ulit siya kaya umatras ulit ako.

Nakakabaliw naman ito! Para kaming mga bata.

“ANG BAHO KO KAYA PWEDE BA LUMAYO KA!?” Umirap ako sa kanya.

Nakita ko ang unti-unting pag angat ng kanyang labi. Diyos ko! Kahit limang segundo hindi ko siya matitigan. Dahil pag tinititigan ko siya bumibilis ang takbo ng puso ko. At sa sobrang bilis ay dinig ko na ang bawat pintig nito, pakiramdam ko gusto nitong lumabas sa dibdib ko.

“Kaya nga magpapalit ka ng damit sa bahay namin. Lika na.” Aniya.

Hinila niya ulit ako pero binawi ko na naman ang kamay ko.

“Uuwi na lang ako samin!”

“Edi punta tayo sa inyo!” Aniya sabay hawak ulit sa kamay ko.

“ANO?” Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya.

“Oo. Anong gusto mo? Punta tayo sa inyo o punta tayo samin. Pili ka lang.” Tumaas ang kanyang kilay sa akin.

Nag iwas ulit ako ng tingin. Gaaaah! How can someone be so handsome and hot at the same time? I don’t know. At ang nakapag tataka pa ay bakit niya ginagawa sa akin ito? Hindi ko alam.

“Ako lang ang uuwi!” Sabi ko.

“Kakatok ako sa pintuan niyo.” Humalukipkip siya na para bang nag babanta.

“O sige, then dalhin mo ako sa inyo!” Hamon ko sa kanya.

“Kaya nga pumasok ka na sa sasakyan at nang madala na kita sa amin.” Ngumisi siya.

Kumunot ang noo ko.

“Tsss…”

Alam ko. Pag saamin ko siya dadalhin, baka dumugin lang siya nina mama, tita, Craig at Teddy. Ayokong mangyari iyon. Lalo na’t hindi pa kami nagkakasundo ng kapatid ko at ng pinsan kong iyon. Kung sa bahay naman nila, siguro naman hindi ako magtatagal doon.

Inirapan ko siya at pumasok sa loob ng Jeep Commander. Na conscious agad ako dahil masyadong malamig ang aircon at pakiramdam ko aalingasaw ang amoy ko sa buong sasakyan.

Umupo ako sa dulo ng sasakyan nang sa ganun ay hindi ako masyadong maamoy ng walanyang gwapo na si Hector. Pero nang sumakay siya ay umupo siya sa tabi ko kahit na sobrang laking space pa naman ang upuan. Binalingan ko siya at inismiran.

“Ano?” Natatawa niyang sinabi.

Grrrr.

Napangiwi siya nang bumilis ang takbo ng sasakyan. Tiningnan ko siyang mabuti at unti-unti niyang kinurot ang ilong niya.

“Ang baho.” Tumawa siya.

Uminit ang pisngi ko, “SABING WAG KANG LUMAPIT, EH!”

Humagalpak siya sa tawa, “Ang baho talaga.”

Halos pukpukin ko na siya sa sobrang pagkairita. Nang sinubukan ko siyang sapakin ay pinag ekis niya lang ang kamay niya sabay tawa.

“Wala naman akong sinabing ikaw yung mabaho ah!” Tumawa ulit siya.

Inirapan ko na lang siya at tumingin sa labas ng sasakyan. Ngumuso ako para magpigil ng ngisi. Kainis ang gwapong ito. Nakakainis! Nakakahiya!

Ilang sandali ang nakalipas ay naaninag ko ang malalawak na kapatagan na may nakahilerang pine trees. Ilang sandali pa bago natapos ang tanawing iyon.

Grabe, ang ganda dito sa Alegria! Sa sobrang ganda, hindi ko kayang isiping nasa Pilipinas lang ito lalo na nang lumagpas na kami sa dam ng mga Dela Merced. Nakita ko doon ang malawak na kapatagan na may mga bulaklak. Pinalibutan ito ng bulubundikin ng Alegria. Hindi ko namalayang nakanganga na pala ako habang pinagmamasdan ko ang labas.

“Sinong nasa bahay, Mang Elias?” Tanong ni Hector.

Napatingin ako sa kanya. Nakahalukipkip siya habang diretso ang tingin sa harap ng sasakyan. My God! Ang gwapo, gwapo niya talaga. Yung mapupulang labi na may mas lalong natuturingan sa bawat bigkas niya ng salita. Yung hiwa ng labi niyang alam mong malambot. Yung ilong niyang perpekto at tama sa tangos. Ang panga niyang proporsyonado. Ang mga mata niyang malalim at expressive. Bumaba ang paningin ko sa katawan niya. Pinilig ko ang ulo ko nang nakita ko ang Adam’s apple niya.

Damn it? Bakit para siyang Diyos na nakikihalubilo sa mga mortal na tao dito sa mundong ibabaw? Parang kakababa niya lang sa Mount Olympus. Hindi naman sa kinakapos kami ng gwapo sa Maynila kaya lubos ang pagkakaignorante ko sa kakisigan ni Hector, pero talagang iba siya.

Batid ko rin ang malapad at malakas niyang balikat. Binaba ko pa ang paningin ko. I swear, kulang na lang ay umusok ang abs niya sa sobrang pagkaka define. Effortless na bumabakat ang bawat biyak ng kanyang abs. Ni hindi niya kailangang pumorma ng maayos para maipakita ito.

Saksi ako sa pagpapaganda ng katawan ni Clark at alam kong hindi iyon madali. Mahirap i-achieve ang dalawang pandesal sa abs. Isang taon kang kailangan mag gym at maghirap para diyan. Pero itong si Hector… bibilangin ko na sana kung ilan pero nakita ko ang mapupula niyang labi na nakatutok na sa akin.

Namilog ang mata ko nang umangat ang kanyang labi at lumapit sa akin.

SHIT? HAHALIKAN NA BA AKO NITO!?

Tumigil ako sa paghinga na parang baliw para lang malaman na may kinalabit siya sa pintuan ko.

“Andito na tayo.” Aniya at bumukas ang pintuan.

Unti-unting huminahon ang kumakalabog kong puso. Letsugas! Sobrang assuming ko! Nakita ko ring may damit na siya. Siguro sa sobrang busy ko sa panonood ng tanawin ay hindi ko na napansin na nagbihis siya ng t-shirt sa loob ng sasakyan.

“Kay.” Sabi ko sabay pagtataray palabas.

Humalakhak siya at lumabas na rin.

Iginala ko ang paningin ko sa kabuuan ng kanilang bakuran. Batid ko ang malawak nilang bakuran. May mga bulaklak doon at may fountain at gazebo pa. Parang langit lang. At kitang kita ko rin sa di kalayuan ang malaking gate na pinasukan namin na may nakaukit na family crest yata at may nakalagay na DELA MERCED.

Tumindig ang balahibo ko. Ganito sila ka yaman?

“Lika na.” Aniya sabay lakad paakyat sa hagdanan bago makapasok sa loob ng double doors na may disenyo ulit na DELA MERCED.

Sumunod ako sa kanya. Hinintay niya akong makaakyat bago niya iyon binuksan.

“Okay lang ba na nandito ako?” Tanong ko.

Nagkibit balikat siya at binuksan ang pinto.

Naaninag ko agad ang isang malaking hagdan ulit patungo sa 2nd floor ng bahay. Iginala ko ang paningin ko sa malawak nilang sala. Pakiramdam ko kung gaano ka laki ang bahay namin, ganun din kalaki ang sala nila. Punyeta, ang yaman!

Nakita kong may naglilinis ng vase na katulong at nakauniporme pa. Alright! Mayaman sina Clark pero hindi ko kailanman nakita ang mga katulong nilang nakauniporme.

“Hector? Napaaga ata ang uwi mo.”

Diretso ang lakad ni Hector sa isang matandang kulay brown ang buhok. Sa postura pa lang ng matanda, ay alam mo na agad na maganda siya nung kabataan niya. Siguro nasa around 70s na siya at medyo pormal ang damit niya para sa isang matandang nasa bahay lang.

“Lola.” Nagmano si Hector.

Shit lang ha! Lola niya pala yan! OMG! Pinisil ko ang kamay ko at yumuko ako kasi batid ko na kahit nagmamano si Hector ay nakatingin ang lola niya sa akin at nakangiti.

“Aba’t milagro? Sino itong kaibigan mo, Hector?” Tumaas ang kilay ng kanyang lola pero nakangiti parin sa akin.

Lumapit siya at bahagyang umatras ako dahil sa amoy kong nakakahiya.

“Si Francesca Alde, po. Kaklase ko. Lika na.”

Nagulat ako sa simpleng pagpapakilala sa akin ni Hector sa kanyang donyang lola.

“Oh? Alde? Anak ka ni Francis?”

“Opo. Magandang… uhm… hapon po.”

“Lika na, Chesca.” Pag uulit ni Hector.

Napangiwi ang lola niya nang tuluyan ng makalapit sa akin.

“What’s that smell?”

SHIT! Napayuko ako. Pakiramdam ko ito na yata ang pinaka nakakahiyang nangyari sa talambuhay ko. Ilang araw na rin akong minamalas ah? Kainis!

“Sorry, ako po yun.” Rason ko.

Biglaan na lang akong hinablot ni Hector at hinila patungo sa kanya.

“La, pahingi po ng damit kay Tita. Nabuhusan po kasi siya ng-“

“Ah! Nadulas ako dun sa may tae ng kabayo ba yun? Kaya ganito.”

Nagkatinginan kami ni Hector. Wala akong balak na ipagkalat na nabuhusan ako sa school ng kung anong mabahong tubig dahil lang sa kinasangkutang gulo kay Koko. Kumuyom ang panga ni Hector sa sagot ko.

“Maliligo po siya.”

Tumango ang lola niya at ngumisi sa akin, “Okay, apo. Saan siya maliligo? Dito sa baba? Sa kwarto ko o sa kwarto mo?”

Nalaglag ang panga ko sa tanong ng kanyang lola.

“Sa kwarto ko po.” Sabay hila niya sa akin.

Tumango ang kanyang lola at kinindatan pa ako.

Napatingin ako kay Hector na ngayon ay nakatalkod na sa kanyang lola at hinihigit na ako paakyat sa engrandeng hagdanan nila.

“Hector! Anong sa kwarto mo ako maliligo! Wala bang common bathroom dito?” Tanong ko habang nasa labas ng kwarto niya.

Pinihit niya ang hawakan ng pintuan at pinagtaasan niya ako ng kilay.

“Anong problema sa kwarto ko? Malinis naman dito.”

Nakita ko ang kwarto niya pagkabukas ng pinto. Sobrang laki at panlalaki masyado lahat ng gamit. Hindi pa nga ako nakakapasok ay kinabahan na ako.

“Hindi iyon ang point ko…”

“Chesca, ang baho mo na. Maligo ka na nga!” Tumawa siya para walain ang usapan tungkol sa banyong liliguan ko.

Nanliit ang mga mata ko habang pinapanood siyang naghahanap ng kung ano sa kulay blue niyang cabinet. “Ano ba? Nakikinig ka ba?”

Nakumpirma kong hindi… o nagbibingibingihan lang siya. Dahil kinuha niya yung telepono at may pinindot na isang numero.

“Pakiluto nga ng meryenda at pakisabi kay tita na ihatid sa kwarto ang damit na ipapahiram ko kay Chesca.”

Umiling na lang ako at pumasok sa banyo.

Ano bang ginagawa ko sa lugar na ito? God! Hindi ako makapaniwalang nasa teritoryo agad ako ng mga Dela Merced sa isang iglap. Saang banda kaya dito ang titulo ng lupa namin?

Tinampal ko ang sarili ko. No, Chesca! No! Just no! Humugot ako ng malalim na hininga at pinagmasdan ang mga gamit ni Hector sa banyo. Ngumuso ako nang nakita isa-isa ang imported na mga body wash at kung anu-ano pa. Lahat yata ng bagay dito ay pan lalaki. Kulay blue maging ang kulay ng tiles.

Hinawi ko ang shower curtain. Kinilabutan ako habang iniisip na dito naliligo ang diyos na gaya niya.


Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You cannot copy content of this page
%d bloggers like this: