Training to Love – Kabanata 2

Kabanata 2

Akala ko Nakatalikod

“Sinasabi ko na nga ba, Trisha!” Sigaw ni Emma sakin.

Ngumisi lang ako habang nag aayos ng buhok. Ito ang unang araw na dapat akong mag duty sa hotel pero dahil hawak ko naman sa leeg yung acting CEO nila, nandito ako sa school. Kukunin ko din kasi yung letter sa kanya.

“Masaya si Mommy at Daddy na nakuha ako sa Le Marcelle. Maging masaya na rin kayo!” Sabi ko habang tinitignan ang sarili sa salamin.

“Binlackmail mo si Troy Salazar. At! Pustahan tayo, gusto mo lang pumasok dun para mapalapit ka kay Sir Jayden.” Umiling si Emma.

Napabuntong hininga din sina Beatrice at Camille.

“Aminin niyo, ang swerte ko!” Sabay tili ko sa kanila.

Tumili din sila pero natahimik dahil sa titig ni Emma.

“Hayaan mo na lang Em! Eh ako nga muntik na akong nag shift sa HRM nung nakita ko si Sir Jayden. Ang gwapo niya talaga!” Tumili pa si Camille.

Habang nagtitilian si Camille at Beatrice, naispatan ko si Mr Araw Araw May Dalaw sa gilid ng mata ko. Gaya ng sabi ko, madali siyang makita kasi pinapalibutan siya ng isang pulutong na kaibigan. Nagtatawanan yung mga babae sa joke niya. Halatang inaakit siya ng mga babae dahil hinahaplos siya kung saan saan. Mga babaeng ito, ang kakati, sumasamba sa Troy na yan.

Tinignan ko siyang mabuti. Tawa siya nang tawa. Sigurado akong mag mo-mood swing yan ngayon pag makita ako. At tama nga ako! Nang nasulyapan niya ako at ibinalik ulit ang tingin niya sakin, bahagyang nanlaki ang mga mata niya at sumimangot agad.

Napabuntong-hininga si Camille at Beatrice.

“Bakit ba kasi may mga gwapo at mayabang at the same time? Hindi ba pwedeng gwapo at mabait tulad ni Sir Jayden?”

Ngumisi ako at nilapitan si Troy. Nang nakita niya akong lumalapit na… sobrang laki na ng pinagbago sa ekspresyon ng mukha niya. Talagang mukha na siyang may dalaw ngayon!

“Troy!” Mahirap siyang lapitan dahil sa nakalibot na mga tao sa kanya.

“Ew? Who is she, Troy?” Sabi nung modelong nakita ko nung isang araw.

Pa-conyo pa ito. Suntukin kita diyan! Tignan natin kung makapag english ka pa diyan.

“Huh?” Pa blind naman itong si Troy kahit na mukha na siyang may dalaw.

“Sino ba ‘to, dude?” Tanong ni Nash.

Ni-head to foot ako ng mga kaibigan niya. Nagkibit-balikat na lang si Troy.

“Maybe a fan.” Sabay iling ng kutis-porselanang babaeng ito.

“Miss, walang time si Troy sayo kaya sorry ka na lang. Tsaka di siya mahilig sa tulad mong nobody!” Inirapan ako ng modelong conyo.

Bago pa ako nakapagsalita, “Tayo na nga!” Tapos tinalikuran nila ako at umalis na.

Sa soooobrang inis ko parang ako na ang may dalaw! Nagngingitngit ako sa galit! Hindi pa ako kailanman nainsulto ng ganun! I know! Nobody ako kaya hindi pa ako na expose sa opinion ng ibang tao, except kina Emma, Camille, Beatrice at Earl na mga kaibigan ko na simula pa nung unang panahon.

“TROY!” Sigaw ko.

Hindi sila tumigil. Binalewala ako.

“ALAM MONG KILALA MO AKO! AT ALAM MO RIN KUNG ANONG GAGAWIN KO KUNG DI MO AKO PAPANSININ!” Sigaw ko.

“Back off, missy! Isa ka lang sa mga may gusto sa kanya. Baka isipin mo na by showing up here in front of people, you’ll get his attention. Ew! Back off!” Sigaw nung makinis sakin.

WHAT THE EF? Napapikit pa ako sa sigaw niya. Sumugod agad si Emma, Camille, Beatrice at Earl sakin.

“Sabi na eh! Nagkataon lang yun nung isang araw!” Sabi ni Emma.

Mabilis parin ang pintig ng puso ko habang palayo nang palayo ang gang ni Troy. Bushet na Troy! Anong ibig sabihin nito?

Buong araw hininap ko siya sa school pero hindi ko na ulit siya mahagilap. Bulung-bulungan agad sa school na sinugod ko si Troy NA UMIIYAK. Okay! Exage talaga huh?

Nang nag alas syete na ng gabi at di ko parin siya mahagilap, umiyak na talaga ako. Sinabi ko na kay mommy at daddy na napasok na ako sa Le Marcelle. Anong sasabihin ko pag nalaman nilang hindi pala? Baka nalaman ni Troy na nagsisinungaling ako sa sex tape kaya nagpasya siyang kalimutan na lang na nangyari ako.

“May make up class kami sa accounting, Trish.” Sabay tingin ni Emma sa relo niya.

“O-Okay lang.” Napahikbi ako. Mag iisang oras na akong umiiyak. Narealize ko na kasi na mukhang wala na talaga akong pag asa. “Sige na, iwan niyo na ako dito.”

“Haaay! O sige! Tama na yan. Tawagan kita mamayang gabi. Umuwi ka na muna.” Sabay iling at pahid sa luha ko.

Tumango ako at umalis na dun. Papalabas ako ng school. Walang hiyang buhay! Nasakin na, nawala pa! Wais din ang Troy na yun ah?

“AHHHHHHHHHHHHHH!”

Biglang may yumakap sakin galing sa likuran at hinila ako paatras. Pumiglas ako.

“Nasa school pa ako at gaya ng sabi ni Troy, may CCTV dito! Kaya lagot kang holdaper o rapist ka! OMYGOD! Mari-rape ako? Rapist! AHHHH!” Tinakpan niya ang bibig ko.

Rapist! Rapist!

“Shut up, Trisha!” Napahingang malalim si Troy pagkatapos akong tinapon papasok ng front seat niya. “Damn, ang ingay ingay mo talaga!” Umiling siya.

Napaiyak ako sa kaba… at sa relief…

“Huy!” Nag snap siya ng daliri sa mukha ko nang nakitang nag break down na ako. “B-Ba’t ka umiiyak?”

Nilock niya yung pintuan ko at umikot sa driver’s seat para umupo. Hinarap niya ako.

Sinuntok ko ang dibdib niya pero di siya natinag. Ewan ko ilang beses kong sinuntok yun.

“Lanya ka, Troy! Akala ko rapist! Akala ko di ko na makukuha ang Le Marcelle! Akala ko mabibigo na ako! Akala ko mamatay na ako!” Nagwala ako sa sasakyan niya.

Tumawa siya. Sumakit pa yata ang tiyan sa kakatawa.

“Rapist? Talagang inisip mo pang rapist? May man ri-rape ba sayo eh halos wala kang laman?” Tanong niya.

Sinapak-sapak ko na naman ang dibdib niya sa inis ko. Pero tumatawa lang siya na parang di nasasaktan. Nag-ekis na lang yung braso niya para di ko na siya masapak.

Napasinghap siya pagkatapos niyang tumawa at agad sumimangot, “Diba sabi naman sayo wag mo akong lalapitan sa school kasi nakakahiya ka?”

Sinapak ko ulit.

“Anong nakakahiya sakin? Ang ganda ko kaya!”

Umamba siyang tatawa na naman pero inirapan ko at sinapak ulit.

May kinuha siya sa backseat. Tumingin lang ako sa malayo habang kinakalma ang sarili ko. Jusko! Akala ko talaga katapusan ko na! Akala ko headlines ako ng dyaryo bukas! Sayang, na rape, pinatay, ang ganda pa naman sana. Tapos mag wewelga ang lahat ng nagmamahal sakin at ipapaclose ang school kasi di reliable ang security.

Kinalabit ako ni Troy nang nakangisi.

Sinimangutan ko siya, “Ano?”

Mas lalong lumaki ang ngisi niya habang kinakalabit parin ako.

“ANO?” Sigaw ko.

Tumawa na talaga siya.

“Ay? Nakaharap ka na pala. Akala ko nakatalikod ka, ang flat kasi ng chest mo parang likuran? HAHAHAHA!”

Sinapok ko na ang mukha niyang tumatawa ng wagas! Bwiset na bwiset talaga ako sa kanya! Pa’g maganda ang mood ko, siya yung galit. Pag siya naman ang may maganda ang mood, ako naman ang galit. Hindi ba pwedeng sabay kaming masaya?

“Loko ka! Kainis ka!” Sinapak-sapak ko na naman siya.

“Huy! Aray! Sakit ah! Wag nga sa ulo, Trisha!” Sigaw niya nang sa wakas ay nasaktan ko na.

Inayos niya ang buhok niya at tinignan ang sarili sa salamin. Yung buhok niyang parang kay astroboy o kung anong tawag ng hairstyle na yan.

“Kainis ka naman! Eto!” Sabay bigay ng letter.

OFFICIALLY ACCEPTED!

“Wag mo na ulit akong gambalain ah? Lalo na dito sa school. Di alam ng mga kaibigan kong may kilala akong tulad mo.”

“Tulad ko?” Tanong ko.

Nakatingin parin ang vain na ‘to sa salamin at inaayos ang buhok.

Hindi ko alam na pwede pa palang mas lumala yung dislike ko sa taong kinamumunhian ko. Kay Troy lang yata yun mangyayari. Makasarili at vain siya. Yung reputasyon, mukha, pangalan, at kapangyarihan lang ang importante sa kanya. I doubt kung ‘friends’ niya ba talaga ang mga kaibigan niya. Tingin ko dumidikit lang sila sa kanya dahil mayaman at gwapo siya. Nakakainis!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!

Discover more from Jonaxx Stories

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading