Heartless – Kabanata 3

Kabanata 3

Why So Heartless

“Anong nangyari doon sa date niyo ni Noah, Coreen?” Tanong ni Reina habang pinapanood si Miguel na humahakbang sa corridor.

“Wala.” Sabi ko at tinitigan siya.

Ang lagkit talagang makatitig nito sa mga crush niya. Bukas, iba na naman yung crush niya panigurado.

“Balita ko si Rozen daw yung naging date mo?” Tanong niya.

Nagpatuloy ako sa pagsusulat sa autograph niya.

“Hindi. Umuwi ako.” Sabi ko.

“Oo. Pero dahil yun may ka date na pala si Noah diba? Kaya ka sinalo ni Kuya Rozen?” Ani Reina.

Talagang ganoon yung dahilan? Sinalo ako ni Rozen kasi may date na pala si Noah?

Napatingin ako sa kabilang corridor. Malayo pa lang ay nakita ko na agad si Noah. Pinapalibutan na naman siya nina Stan, Warren at Joey. May nakasabit na gitara sa likod niya at nagtatawanan silang apat. Nakita ko ang mga babaeng mainit ang tingin sa kanila.

Mahigpit kong tinikom ang bibig ko para pigilan ang sarili ko.

Simula noong prom ay naisipan ko ng magconfess kay Noah. Ayoko ng magpaliguy-ligoy pa. Buong akala ko ay siya yung nagyaya sakin, kaya noong nalaman kong hindi, naisipan kong tama na itong pagpapantasya ko sa kanya sa malayo. Kailangan ko na siyang lapitan. Kailangan ko ng ipaalam sa kanya na mahal ko siya.

Padarag kong sinarado ang autograph ni Reina at agad akong tumayo sa kinauupuan ko.

“Coreen?” Pabiglang sabi ni Reina.

“Sandali lang, Reina.” Sabi ko sabay lakad papunta sa banda ni Noah.

Nag second look pa siya sakin nang nakitang paparating ako. Nakita kong unti-unting napawi ang ngisi niya nang mas lalo akong lumapit sa kanya.

Natigilan sila nang humarang ako sa dinadaanan nila. Hinugot ko ang buong lakas ko sa puso ko. Ang tagal ko ng hinintay ito kaya gagawin ko na ngayon.

“Noah, pwede ba kitang makausap.”

Kumunot ang noo niya at napatingin sa mga kabanda.

“Sige, ano yun?” Tanong niya.

Napatingin ako kina Warren na nag eexpect na may sasabihin ako sa harapan nila.

“Pwede bang tayong dalawa lang?” Tanong ko.

Nagkibit balikat si Noah at tinignan sina Warren. Pumihit ako at dumiretso sa locker room. Walang tao doon, kaya doon ko napiling dalhin si Noah para makapag usap kami.

Kumalabog ng malakas at mabilis ang puso ko. Hindi ko na maayos ang paglalakad ko sa sobrang kaba. Naramdaman ko siya sa likod kong nakasunod.

“Importante ba yan, Coreen?” Mejo masungit niyang tanong.

Mas lalo tuloy akong kinabahan.

“A-Ano, mejo.” Ayun, nautal na ako.

Only Noah can make me feel too much.

Sinabit ko sa tenga ang nakawalang buhok saka ko siya tinignan ng diretso. He’s a meter away from me. Napaawang ang bibig niya habang pinagmamasdan ako sa harapan niya.

Tinignan kong mabuti ang buong mukha niya. Ang kanyang malalim na mga mata, ang matangos na ilong, ang nipis at kulay pink na labi, siya lang talaga yata ang magiging laman ng puso ko sa buong buhay ko.

“Noah, kasi, noong prom, akala ko ikaw yung nagyaya sakin.” Panimula ko.

Umiling siya, “Si Trisha yung sinama ko. Paano namang magiging ikaw?”

Nanuyo ang lalamunan ko sa linya niya. Pero ganunpaman, pinilit ko paring magsalita.

“Kasi may naghulog ng letter… Tapos nakatingin ka sakin. May nakalagay na Elizalde doon kaya akala ko agad, ikaw.”

“Hindi ako ganyan magyaya, Coreen. Tsss.” Masungit niyang sagot.

“I-I know… Pero kasi… u-umasa ako.” Yumuko ako.

Binalot kami ng matinding katahimikan. Iyong narinig ko na lang ay ang pag lipat niya sa gitara niya sa kaliwang balikat.

“Noah, I like you…” Agad akong napalunok pagkasabi ko nito.

Hindi ko siya natignan. Hindi ko kaya. Halos mahimatay na ako dito sa harap niya, kung titignan ko pa siya baka matuluyan na ako.

“No, Coreen. You don’t like me.” Aniya.

Saka ko inangat ang mukha ko para tignan siya ng mabuti. Hindi ako iyaking tao, pero naramdaman ko talaga ang pagkurot sa puso ko, dahilan kung bakit namumuo ng konti ang luha ko.

“I like you, Noah. Noon pa man.” Sabi ko.

I struggled for more words. Gusto kong idescribe ang pagmamahal ko sa kanya gamit ang pagsasalita. Gusto kong malaman niya sakin kung paano ko siya minahal noon pa man.

“Mahal kita.” Pero ito lang ang lumabas sa bibig ko.

“We’re still kids, Coreen. High school ka pa lang. High school lang din ako. Hindi pwedeng mahal mo na ako.”

I know where this is going… pero hindi ako nagpatinag. Pinagpatuloy ko iyon.

“Walang pinipili ang pagmamahal, Noah. Kung mararamdaman mo iyon ng ganito kaaga-“

“Paano mo nalamang mahal mo ako? May nagsabi ba sayong ‘pag-ibig’ yung nararamdaman mo? Wala, diba?”

Nag iwas ng tingin si Noah sakin. Hindi ko kaya yung mga sinasabi niya. Kinuyom ko na lang ang kamay ko.

“Malalaman mo yun kung nararamdaman mo.”

“You like Rozen.” Utas niya.

Nalaglag ang panga ko.

“I-I don’t!” Sabi ko agad.

“You like him. Lagi siyang nagmamalaki kung gaano ka ka patay na patay sa kanya. Alam ko iyon. Magkapatid kami.”

THAT. PRICK!?

“Hindi totoo yan! Kung ano mang kinain ni Rozen at sinasabi niya yan sayo, labas na ako dun. Alam mo namang may topak yang kapatid mo, diba? Rozen will always be Rozen.-“

“Yes, and I hate Rozen’s girls. Isa ka sa kanila. Kaya I’m sorry, Coreen. You are not my type.” Umiling siya na parang sobrang disappointed niya sa akin.

Tinalikuran niya ako at umambang aalis na pero hinawakan ko ang braso niya.

“OH MY GOD, NOAH! Hindi siya ang gusto ko, ikaw!” Sabi ko.

Umiling siya sakin, “I already said no, Coreen. Sorry.”

At tuluyan na siyang umalis. Habang tinitignan ko siyang paalis doon ay agad bumuhos ang luha ko. Malakas at hindi nauubos ang pagbuhos nito. Agad ko na lang pinunasan.

Galit na galit ako ngayon. Hindi kay Noah. Hindi dahil ayaw niya sakin. Kundi dahil sa lalaking iyon! Rozen Gaiser Elizalde!

Mabilis kong tinahak ang bawat corridor at floors ng paaralan namin. Grade 12 na si Rozen kaya nasa huling palapag na sila.

Naabutan kong magulo ang buong corridors ng huling palapag. Nakita ko ring parang haring sinasamba si Rozen. Tulala siya at pinapalibutan ng mga babaeng uhaw sa atensyon niya. Nang nakita niyang palapit ako at napatalon siya at ngumisi. Naglahad agad siya ng kanyang braso na para bang umaambang yayakapin ako.

Tumayo siya para salubungin ako pero nang nagkatagpo na kami ay agad lumipad ang kamao ko sa pisngi niya.

“WHAT THE FVCK?” Sigaw niya.

Agad akong hinawakan sa braso ng mga nandoon. Mapalalaki man o babae ay kampi sa kanya.

“Rozen, sige na, bumawi ka!” Sabi nung isa.

Pumiglas ako sa pagkakahawak nila pero masyado silang marami at malalakas.

Napahawak siya sa dumudugo niyang labi. Yung pula niyang labi ay mas lalong pumula ngayon. Pinunasan niya ng kanyang hinlalaki ang dugo sa gilid ng labi niya at tinitigan ang nasa gilid ko.

“Don’t touch her.” Aniya saka matalim na tinitigan ang lahat ng nasa gilid ko.

“Pero Rozen, she attacked you!” Sabi ng babaeng nanlalandi sa kanya kanina.

Umiling siya at nakita kong mas nagdilim ang mukha niya, “I SAID DON’T TOUCH HER!”

Nabigla silang lahat sa sigaw niya kaya binitawan nila ako. Nang sa wakas ay nakawala ako ay sinugod ko ulit siya at ngayon ay sinampal. Agad namang may humawak sa kamay ko pagkatapos ng sampal na iyon.

“WALANG HIYA KA! I HATE YOU! FVCK YOU!” Sigaw ko. “HOPE YOU ROT IN HELL!”

“Anong problema mo?” Nakatitig niyang tanong sabay tingin ulit sa mga nakahawak ng braso ko.

Agad nila akong binitiwan. Isang tingin lang niya ay napapasunod niya na agad ang mga alipores niya.

“Sinong nagsabing ikaw ang gusto ko, ha?” Tumawa ako sa kapraningan. “Alam na alam mo naman kung gaano ako naiinis sayo tapos pinagkakalat mong gusto kita?”

“Hoy, miss, mag ingat ka sa pananalita mo. Kala mo kung sino ka para magustuhan ni Rozen-“

“SINABI KO BANG NAGUSTUHAN NIYA AKO? ANG SABI KO AY PINAGKAKALAT NIYANG MAY GUSTO AKO SA KANYA!” Sigaw ko sa babaeng sumabat.

Narinig kong humalakhak si Rozen. Baliw! Matalim akong bumaling sa kanya at nakita kong humahalakhak parin siya at umiiling sakin.

“Damn…” Aniya.

“WHY ARE YOU LAUGHING!?” Inis kong tanong sa kanya.

Umiling pa siya lalo.

“Baliw ka talaga! Ewan ko kung anong pumapasok diyan sa kokote mo! Sana maagnas ka na lang bigla para wala ka na! You’re so evil! Isinama mo pa ako sa mga cheap mong babae? JUSKO NAMAN! Magugustuhan ko na lang ang pinaka pangit na lalaki pero hindi ikaw!” Sigaw ko.

“Sakit mo namang manuntok.” Aniya sabay halakhak ulit.

I really think he’s crazy. Tama nga yatang sa isang dosenang itlog ng pugo, may isang bugok. Sa bawat niyog na aanihin, may isang walang laman. Sa bawat Elizalde sa mundo, may isang walang hiya.

Tumaas ang altapresyon ko sa mga pakulo niya. Kaya imbes na manatili doon ay nagpasya akong iwan siya. Tutal ay pumutok na naman ang labi niya, okay na ako. Pero hindi parin nito napapalitan yung sakit na nararamdaman ko.

“Naloko na talaga ito, Coreen. Kahit galit ka basta may maramdaman ka lang para sakin, ang saya ko na.”

Tumindig ang balahibo ko sa sinabi niya. Nilingon ko siya at tinuro-turo.

“Tutal Grade 12 ka na naman! Sana wag ka ng magpakita sakin! Sinusumpa kita, Rozen! Masahol pa sa tae ng aso ang ugali mo!”

Pumungay ang mga mata niya at hinawakan ang kamay kong nakaturo.

“Why so heartless, Coreen?”

Hinila niya ang buong katawan ko palapit sa kanya. Agad kong narealize kung gaano karaming tao ang nakatingin saming dalawa. May narinig pa akong mga sumisinghap at nag sasalita ng masama sakin pero hindi ko sila kayang pansinin. Kung gusto ni Rozen ng atensyon mo, nakukuha niya ito ng buo. Ganyan talaga siya, noon pa man.

Nilapit niya ang bibig niya sa tainga ko. Nagtindigan ang balahibo ko sa batok.

“Narinig mo ba yung sinabi ko kanina? Kahit ano… Kahit galit mo na lang, tatanggapin ko. I’m in love with you, Coreen. You’re name is embedded in my soul. Ang laking problema, hindi ba? Kaya sana mabaliw ka na lang rin sakin para wala na tayong problema. So, I’m sorry, hindi kita iiwasan. Hindi kita lalayuan. I will forever be the pest in your life until you decide to love me back.”

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!
%d bloggers like this: