Heartless – Kabanata 1

Kabanata 1

Ang Sakit ng Sugat Ko

“Coreen, ang ganda talaga ng buhok mo.” Sabi ni Reina sabay haplos sa buhok ko.

Biniyayaan ako ng langit nitong buhok na kulot sa tips. Konting alaga lang ay magiging shiny, madulas at maganda ito.

“Thanks! Maganda din naman ang straight mong buhok.” Sabi ko sabay hawi sa bangs niya.

Kumpara sa mga kuya niya, si Reina ay may mga tigyawat. Hindi ko nga lang alam kung bakit. Yung mga kuya niya naman wala… Kung may pimple man si Noah, isa-isa lang kung sumulpot. Itong si Reina, pinapakyaw.

Nasa Grade 7 na kami ngayon habang ang mahal kong si Noah naman ay Grade 8 at sikat na sikat na dahil sa banda nila.

Panay ang hila ko sa naninigas na si Reina. Hindi maangat-angat ang mga paa niya para maglakad papunta sa Auditorium.

“Reina, come on!” Sigaw ko.

Umiiling siya at napapangiwi sakin.

“Ano? Mahuhuli na tayo sa asawa ko!” Sabi ko.

Nilingon ko ang tinititigan niya at nakita ko kung ano ang dahilan ng pagkakaugat niya sa corridor namin. Iyon naman pala, tinatahak ni Ynigo Sanchez ang corridor. Tumatawa siya at nakikipag high five sa ibang kaklase ni Noah. Si Ynigo Sanchez ay isa sa mga naging crush nitong si Reina. Marami siyang naging crush, taliwas sakin na hanggang ngayon ay si Noah parin.

Nagkatagpo ang mga mata namin ni Ynigo. Kumindat siya sakin kaya agad akong nag iwas ng tingin.

Kumapit si Reina ng mahigpit sa braso ko.

“My gosh! Kumindat si Ynigo sakin!” Aniya.

Napayuko ako at unti-unti kong tinignan ang mukha niyang halos manisay sa kilig.

“Lika na nga! Alis na tayo!” Sigaw ko sabay hila sa nag ha-hyperventilate na bestfriend ko.

“My gosh! My gosh! Yung crush ko! Di bale nang di ako pinapansin ni Bench basta kinindatan ako ni Ynigo!” Panay ang alburoto niya tungkol dito.

Ako naman, busy sa paghila sa kanya at pagtulak sa mga tao.

“Excuse me! Excuse me!” Sigaw ko.

Hindi ako makakapayag na nasa bleachers lang ako at nanonood. Dapat front seat, close up, at live!

Tumindig agad ang balahibo ko nang narinig kong kinakalabit na ni Noah ang gitara niya. Nakakahakot ng fans ang banda nina Noah dahil syempre, gwapo at magagaling sila.

“Hoy, Coreen! Angas mo ah! Ba’t ka nanunulak?” Sigaw nung isang kaklase ni Noah. “Akala mo pag dyan ka sa harap mapapansin ka ni Noah? Asa!”

“Pasalamat ka nga riyan at nag e-excuse me pa ako!” Inirapan ko na at pinagpatuloy ang ginagawang panunulak ng tao sabay excuse me.

Nang sa wakas ay nasa harap na kami ni Reina, nalaglag na lang ang panga ko sa kagwapuhang taglay ni Noah.

Nakangisi ako habang pinapanood siyang nag gigitara. Hindi ko pinapansin ang vocalist kahit na…

“Hi Coreen!” Yung sinasabi niya tuwing may pagkakataon.

Tumatawa na lang ang audience. Napatingin ako kay Stan, ngumisi siya, mukhang tuwang tuwa siya sa kanyang ginagawa ah.

“Uy, Coreen! Si Stan talagang pursigido sayo!” Sambit ni Reina.

“Bakla yan.” Sabi ko at bumaling ulit kay Noah na walang pake at seryosong nag gigitara lang.

Gustong-gusto ko na talaga siya noon pa man. Yung tipong siya lang talaga yung gusto mo. You don’t want to like another. Masyado kang dedicated sa kanya. Hindi ko alam pero sabi nila, magsasawa din tayo sa mga taong mahal natin, lalo na pag unrequited ito. Pero para sakin, mukhang hindi ako magsasawa.

I’ve always like the things in between. At dahil hindi niya ako masyadong pinapansin, nasa kalagitnaan pa lang kaming dalawa ng lovestory namin, kaya masaya parin ako. Masaya ako sa byahe… masaya ako tuwing may hinihintay pa lang… yung hindi pa dumadating pero alam mong dadating talaga. Dahil sisiguraduhin kong dadating talaga ang panahong iyon, na ako naman ang magustuhan ni Noah.

“NOAH!!!” Sigaw ko sabay kaway.

Naagaw ko ang pansin niya pero saglit lang dahil pumikit na siya at dinama ang pag tugtog. Passion niya talaga ang music. Ganun talaga siya. Kaya gustong-gusto ko siya. Pag may gusto siya, iyon lang talaga. Kung baga, mahal ang ‘I love you’ niya. Hindi tulad ng Kuya Dashiel niyang playboy… at si Rozen naman ay puro porma at kabulastugan lang ang nalalaman. Sa Elizalde Brothers, siya ang pinaka seryoso.

“Hoy, Coreen..” Hinila ako ng mga babae papunta sa CR.

Pumiglas ako pero huli na ang lahat, nasa CR na kami. Apat sila, ako lang mag isa. Thank God hindi ko sinama si Reina sa pag C-CR ko. Iiyak lang yun pag may mang-away samin.

“Ano ba?” Sigaw ko.

“Ikaw? Tigil-tigilan mo yang paglalandi kay Ynigo, ah?”

Ni head-to-foot ko itong payatot na babaeng kumaladkad sakin. Nakahalukipkip ang tatlong minion niya sa likuran.

“Anong landi? Si Ynigo? Bakit ko naman yun lalandiin?”

“Abah! Akala mo ba hindi namin alam na kinakausap mo siya? Hoy! Grade 7 ka pa lang ang landi mo na!”

Umirap ako, “Ano naman yun sa inyo?”

Ang totoo, kinausap ko nga si Ynigo noong isang araw para pansinin si Reina nang sa ganun ay hindi na siya manigas tuwing nakikita ito. Kaso… ganito ang nangyari:

“Ynigo, pwedeng ba kitang ipakilala kay Reina Elizalde? Pansin ko kasi bagay kayong dalawa.”

Habang nagsasalita ako ay humahakbang na siya sakin. Hinaplos niya ang buhok ko kaya agad kong hinawi ang kamay niya.

“Bakit siya? Hindi ba pwedeng ikaw yung bagay sakin?” Ngumisi siya sakin ng malagkit kaya pumihit na ako at tumakbo.

DARN IT! I knew it! Noon pa man, malagkit na siyang makatingin sakin. Alam mo yun? Yuck! Ayaw ko talaga sa mga ganyang lalaki.

Bumuntong hininga ako at bumaling sa babaeng nasa harapan ko.

“Anong ano naman iyon sa inyo? Hoy! Boyfriend ko siya!” Aniya sabay tulak sakin.

Tumawa ako, “Akala ko ba si Rozen Elizalde yung gusto niyong maging boyfriend? Ano yan, alternative?”

“Sumusobra ka na!”

Hinila niya ang buhok ko at pinagtulungan pa siya ng mga kasama niyang minion. Hindi ko na alam kung sinong humihila basta pinagtutulakan ko lahat ng mahagip ng kamay ko.

“Stop this!” Sigaw ng isang pamilyar na boses.

Nanginig ang mga babae at agad umatras hanggang sa sumandal na sila sa mga cubicle ng CR.

“Shit!” Sigaw ko nang may nakitang kalmot sa braso ko.

Tinitigan ko sila isa-isa. Nanginginig ang mga labi nila habang tinitignan ang lalaking nasa likod ko.

“Mga duwag! Apat kayo, ako lang mag isa, anong akala niyo sakin superhero? Kung gusto niyong patulan ako! Isa-isa lang! Mga duwag!” Galit kong sinabi.

Susugurin ko na sana sila pero pinulupot nung lalaki ang braso niya sa baywang ko.

“Bitiwan mo ako, Rozen!” Sigaw ko.

Kahit hindi ko siya nililingon, alam na alam kong siya iyon. Simula sa boses, sa bango, at sa aura… kabisadong kabisado ko na siya.

Maraming natatakot sa kanya dahil kilala siyang badboy at kung anu-ano pang kabulastugan ng isang walang magawa at walang kwentang high school student.

“Wag ka ng mag aksaya ng lakas.” Simple niyang sinabi.

Nagpumiglas parin ako pero nakita kong nanigas ang muscles ng braso niya para pigilan na talaga ako sa pag galaw.

“Ano ba! Wag mo akong pigilan!”

Hinawakan niya ang braso ko at tinignan ang nakalmot ng isa sa mga babaeng iyon. Lumipat ang atensyon niya sa mga babae.

“Sorry, Rozen.” Sambit nila isa-isa.

“You’ll pay for this.” Simpleng sinabi niya at tinuro ang pintuan.

Nagmamadaling umalis ang mga babae. Ako naman, umaambang susundan sila.

“Stop it, Coreen!” Sabay hila sakin.

“UGH! Peste ka! Makakabawi na sana ako kung di mo lang ako pinipigilan!” Sigaw ko sa mukha niya.

Kumunot ang noo niya, “Gamutin natin ang sugat mo.” Aniya at bumaling sa sugat ko.

Binawi ko ang kamay ko. Buti mukhang nanghina ang mga kamay niya at nabawi ko ito.

Pumihit ako para talikuran siya pero agad kong naramdaman ang mga hakbang niya palapit sakin.

“Tuwing niluluwangan ko yung pagkakahawak sayo, agad kang nakakawala.” Sinasabi niya ito habang hinahawakan ulit ng mas mahigpit ang braso ko.

“Bitiwan mo ako, Rozen!” Sigaw ko.

Pero wala na… hindi na ako nakawala. Kinaladkad niya na ako patungo sa infirmary. Kahit panay ang piglas ko at pananakit sa kanya para lang makawala ako, hindi siya natitinag. Para siyang pader na kahit anong bugbog mo, imbes na siya yung masaktan, ikaw yung nasasaktan.

Kinuha niya sa nurse yung bulak at Betadine.

“Maliit na sugat lang yan, Mr. Elizalde.” Utas ng nurse habang pinagmamasdan siyang maingat na ginagamot ang kalmot ng babaitang iyon.

Hindi siya umimik. Panay lang ang gamot niya sa sugat ko.

“Aray naman!” Sabi ko nang saglit na humapdi.

Tumigil siya at tinignan ako bago pinagpatuloy.

“Why are you always doing this, Rozen?” Seryosong tanong ko nang umalis ang nurse.

Nilapag niya ang bulak tsaka linagyan ng bandage yung sugat ko.

“Why do you think?” Pabalik niyang tanong.

“Gusto mo lang magpaimpress sakin.” Ang kapal ko talaga.

Pero syempre, joke lang yun, tinitignan ko lang ang reaksyon niya. Ngumisi ako nang seryoso siyang tumingin sakin.

“Yes, because I’m in love with you.”

Unti-unting napawi ang ngisi ko. Hanggang sa napangiwi na lang ako at tinitigan siya pabalik.

“It’s either you’re joking or that’s the truth, right? No in betweens.” Tumayo ako at binawi ang braso ko sa kanya. “Mas mabuti sana kung joke.” Kasi alam mo naman kung sino ang gusto ko… at hindi ikaw iyon. “Kung totoo man yan… Boom! Wala ka palang challenge! Walang chase… Walang nasa gitna. Hindi pinaghihirapan… Hindi worth it.”

Tinalikuran ko siya. Napansin kong nang humakbang ako ay hindi niya na ako pinigilan… Kaya nagpatuloy ako sa pag lalakad hanggang sa makalabas na ng infirmary. Ang sakit… ng sugat ko.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!

Discover more from Jonaxx Stories

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading