Baka Sakali 3 – Kabanata 6

Kabanata 6


Please, Rosie

Hindi ko pa nabubura ang make up ko nang hinarap ko si Jacob. Pinalupot niya kaagad ang kanyang kamay sa aking baywang at sininghot ang aking leeg.

“I’m sorry…” bulong niya.

“It’s okay…”

Naka puting v neck t shirt na ako ngayon at jeans. Uuwi na sana ako kanina pa dahil tapos na ang ramp pero nanatili ako nang sabihin ni Kira na may mga gig pa siyang pwedeng i offer sa akin.

“Uuwi na tayo ng Alegria, hindi ba? Nakapag desisyon ka na ba kung mag su-summer ka o hindi?”

Ngumuso ako. Gustuhin ko mang umuwi ng Alegria at doon magbakasyon, mahihirapan ako. I have lots of work to do at gusto ko iyon para makatulong sa pamilya.

“Jacob, baka hindi ako makapag bakasyon. Siguro mga limang araw lang muna tapos balik ulit ako dito…”

“Ha?” bahagya siyang natigilan sa sinabi ko.

Nasa corridors parin kami ng building kung saan ginanap ang ramp. Nagyaya siyang kumain sa labas pero niyaya ko naman siyang sa bahay na lang nila para makatipid.

“Oo. I need to work. Pagsasamantalahan ko ang summer na ito para makaipon pang tuition ko next sem. Hindi na rin kasi ako makakapagtrabaho madalas next sem kasi baka maging busy ako sa mga subjects…” paliwanag ko.

“Hindi mo na kailangang mag trabaho, Rosie. Ilang beses ko iyang sasabihin sa iyo? At isa pa, alam mong ayaw ko sa modeling na ito…”

Ngumiwi ako. “Kailangan kong magtrabaho, Jacob… May sakit si mama, alam mo ‘yan. ‘Tsaka, napag usapan na natin itong tungkol sa modeling. Alin ba ang mas gusto mo, ito o regular work? Iyong tipong hindi ko hawak ang pang araw araw kong sched?”

Suminghap siya. “Ako na ang magbabayad sa tuition mo next year, okay?”

Nanlaki ang mga mata ko. Ilang beses niya nang tinangkang gawin iyan noon. Ngayon pakiramdam ko ay dapat hindi niya na inaalok iyon. I know the real standing of their company and it’s bad. Pati ba naman ako ay magiging pabigat? At isa pa, kahit na maganda ang takbo ng negosyo nila, hindi ako papayag na siya ang gumastos para sa akin. I can still work. I can do things for myself kaya bakit ko iaasa sa iba ang bagay na kaya ko naman?

“Jacob!” saway ko. “Kaya kong bayaran ang sariling tuition ko, I just need to work.”

“Kaya kong bayaran iyan kaya hindi mo na kailangang magtrabaho-“

Pinutol ko siya, hindi ko na napigilan. “Jacob, hindi pwede iyon. Isa pa…” Lumunok ako. “Your businesses are failing.”

Nagdilim ang mga mata niya. Pakiramdam ko ang bagay na ito ay tinatago niya sa akin. Hindi ko gusto iyon. Kaming dalawa ang magkasama kaya dapat lahat ng problema ay sinasabi niya sa akin.

“Tinawagan ako ni Auntie Precy kanina. Pinuntahan daw ng bangko ang mansion ninyo sa Alegria. May babawiin sa ari-arian ninyo para makabayad ng utang.”

Nag iwas siya ng tingin saglit. Nang nakamata na siya sa akin ay nakataas na ang kanyang kilay.

“Kaya kong bawiin ‘yan lahat. Bigyan lang ako ng panahon…” aniya.

Nagpatuloy siya sa paglalakad palabas ng building. Sumunod ako sa kanya.

“Jacob, I think kailangan mo munang isuko ang Trucking…” panimula ko sa gusto kong mangyari.

Tumigil siya sa paglalakad at nilingon niya ako. “Maganda at malaki ang kikitain ko sa Trucking.”

“Kabibili mo pa lang niyan at alam kong malaki ang ginastos mo. Sa lupa pa lang, malaki na. Sa mga truck? Ilan ang truck? At ilang milyon kada isa? Ang laki ng gastos mo sa lahat ng iyan, bukod pa sa mga tauhan, Jacob.”

Hindi siya umimik. Hindi na rin siya makatingin sa akin ngayon.

“Alam kong mahal mo ang trucking kasi regalo mo iyan sa akin. Pinangalan mo nga sa akin, hindi ba? But this time, it’s a liability to you. Anong idedeliver mo kung napeste ang mga pananim? If you give it up now, you can save the businesses your father built.”

“Kaya ko ang lahat ng ito, Rosie,” giit niya. “Kahit na mag iwan pa ang ama ko ng ilang bilyong utang, kakayanin ko lahat ng ito kaya hayaan mo na ako.”

Hindi na ako nakapagsalita. Tiningnan ko lamang siya. Tunay na wala akong alam sa negosyo pero hindi mahirap ianalyze ang nangyayari.

Nagpatuloy kami sa paglalakad nang nakalabas na kami. Dumiretso kami sa kanyang Hummer.

“Sa labas na tayo kumain. Gusto kong makipag date sa’yo…” aniya.

Hindi parin siya makatingin sa akin. Ngumiti ako ngunit hindi ko maalis ang takot at pangamba. Is everything really okay?

“O sige…” sabi ko, pinagbigyan siya.

Sa isang filipino restaurant kami kumain. Gusto niya rin di umanong manood ng sine. Gusto ko rin ng time sa kanya kaya pinagbigyan ko na.

“Jacob, nanonood ka pa ba?” tanong ko nang naramdamang kanina pa siya sa leeg ko nakahilig.

“Hmm?” he kissed my neck.

Huminga ako ng malalim at pilit na bumaling sa kanya. Sobrang lapit ng mga ilong naming dalawa. Nagkatinginan kami. Hinaplos niya ang singsing na binigay niya sa akin noon.

“Sa susunod na taon na ba tayo magpapakasal?” tanong niya sa malambing na boses.

Nagkasundo kami na iantala ang kasal dahil sa pagkamatay ng kanyang papa. Hindi pa namin napagkakasunduan kung kailan ulit dahil sa trahedya at ngayon binuksan niya ulit ang topic.

“Titingnan natin, Jacob,” sabi ko at nag iwas ng tingin.

Pakiramdam ko ay may problema at ako lamang ang nakakakita. Hindi kaya tinatago niya sa akin? O baka he really is taking all of these lightly.

“Bakit? Nagdududa ka na ba na ako ang papakasalan mo?” pabulong ngunit may diin nang sinabi niya ito.

“Hindi ako nagdududa.” Hinuli ko ang daliri niyang nakahawak sa aking singsing. “Pakiramdam ko, maraming mga bagay ang kailangan nating unahin. ‘Yong mama ko, ‘yong pag aaral, ‘yong negosyo ninyo…”

“Tss… Kung magpakasal tayo, uuwi ang mga magulang mo. Hindi ko na sila palalabasin ng bansa para magtrabaho. Hindi mo na rin kailangang magtrabaho…”

Pumikit ako ng mariin. Sana ganoon ka simple iyon. Kaya ba iyon? Kaya pa ba iyon sa negosyo nina Jacob ngayon?

Pagkadilat ko ay nakatingin parin siya sa akin. Tila ba inaabangan niya ang pag oo ko.

“Jacob, ‘tsaka na pag naayos ang negosyo ninyo, okay? Marami pa tayong mga problema.”

Nagkatinginan kaming dalawa.

“Maaayos din ‘yan, Rosie…” aniya.

So there really is a problem. Nilagay niya ulit ang kanyang mukha sa aking leeg. Tiningnan ko na lang ang screen at pilit na pinanood ang movie.

Pagkatapos noon ay wala na akong naintindihan sa buong movie. Mabuti pa siya at nakakatawa pa tuwing may kakatawanan.

Patapos na ang movie nang hindi ko na napigilan ang sarili ko.

“Jacob, alin ang pinakuha mo muna sa bangko?”

“Hmmm? ‘Yong Kampo Juan.”

Ang pinaghirapan ng kanyang ama!

“Hindi pa iyon tapos kaya magiging abala-“

“Kumpara sa Trucking, mas hindi tapos ang trucking, Jacob.”

Nanlaki ang mga mata ko nang may napagtanto. Hindi niya maibibigay ang trucking dahil nakapangalan iyon sa akin! Akin ang lupa at lahat ng naroon kaya hindi niya iyon maaaring ibigay sa bangko!

“Jacob…” Bahagya ko siyang hinarap kaya tumuwid siya sa pagkakaupo. “Ilipat natin sa pangalan mo ‘yong Trucking!”

“Binigay ko iyon sa’yo, Rosie kaya sa’yo ‘yon!”

Mas lalong lumala ang sitwasyon. Matigas ang ulo ni Jacob tungkol sa Trucking kaya pinagpatuloy niya iyon. Ang resulta, kalahati ng farm nila ay pinambayad sa natitirang utang.

“Sasama ka mamaya sa party?” tanong ni Kira sa akin pagkatapos ng isang gig.

Umiling ako habang nagliligpit ng gamit. “Hindi, e. Aalis ako. Uuwi ako ng Alegria.”

Ang buhay ko ay pabyahe byahe naman. Sa Maynila at Alegria. Hindi na rin kasi umaalis si Jacob sa Alegria para tutukan ang negosyo. Hindi ko naman maiwan ang Maynila dahil sa trabaho.

Alas nuwebe ng gabi nang nakarating na ako sa Bahay ni Lola. Ang usapan namin ni Jacob ay magkita doon ngunit simula nang nag alas sais kaninang gabi ay hindi na siya nakapag reply. Ang huling sinabi niya ay dumating ang kanyang Tito at Tita, magkita na lang kami sa kay Auntie Precy.

“Rosie!” salubong ni Auntie sa akin sa pintuan.

Bumagsak kaagad ako sa sofa. Siguro ay abala si Jacob sa pag eentertain sa kanyang mga kamag-anak.

“Kumain ka na ba?” tanong ni Auntie at tumabi sa akin.

“Hindi pa po…” sagot ko sabay pikit sa mga mata.

“Naku! Ganoon ba? Sige, mabuti na lang at marami ang niluto ko.”

“Auntie, hindi ba napadaan si Jacob?” tanong ko at sinundan ng tingin si Auntie sa kusina.

“Hindi, Rosie. Abala ‘yon sa kanyang kamag-anak. Nagpunta daw kasi iyong Tito at Tita niya. Iyong galing ibang bansa.”

Tumuwid ako sa pagkakaupo. “‘Yon bang umuwi para sa burol ni Don Juan Antonio, Auntie?”

“Oo…” ani Auntie.

Tumayo ako at sumunod sa kanya sa kusina. Nilapag niya sa lamesa ang kanin at adobong manok. Umupo kaagad ako at naglagay ng kanin sa pinggan. Simula nang umalis ako sa Maynila, hindi pa ako nakakakain.

“Bakit? Anong nangyari?” tanong ko.

Nagkibit ng balikat si Auntie. “Ewan ko. Siguro concerned kay Jacob dahil sa nangyayari sa J.A ngayon. Iyon na lang ‘tsaka ang Trucking ang mayroon siya. ‘Tsaka kanina, nagbawas ng tao sa pabrika.” Hindi makatingin si Auntie sa akin.

Kahit na gutom ako ay hindi ko halos masubo ang pagkain. Hindi ako nakekealam sa negosyo. Wala rin naman kasi akong alam tungkol doon. Hindi ko alam kung paano ba talaga nagpapatakbo ng J.A. foods. Ni hindi ko alam kung alam ba ni Jacob kung paano. Maaaring alam niya pero siguro dahil sa utang na iniwan ni Don Juan, nahihirapan siya.

Siguro namili si Don Juan ng mga ari-arian para na rin kay Jacob. At kampante siyang mababawi niya ang lahat ng nawala sa negosyo. Pero ngayong wala na siya, hindi na nabantayan ng maayos. Isa pa, bago nawala si Don Juan, ang Trucking ang inaasikaso ni Jacob kaya hindi niya alam ang pasikot sikot ng J.A.

“Kug ibenta niya kaya ‘yong Trucking, Auntie, mababawi kaya niya iyon? Kung ibalik niya iyon kina Jasmine?” napainom ako ng tubig.

“Hindi ko alam. Hindi na rin naman siguro tatanggapin ng pamilya nina Jasmine, ‘yan Rosie. Kapag naibenta ang Trucking, siguro masasalba niya ang Kampo Juan at kapag naayos ni Jacob ang pagpapatakbo ng J.A, magiging maayos ang lahat.”

Napatalon ako nang may biglang kumatok sa pintuan namin. Umaliwalas ang mukha ko. Kahit sa mga binungad ni Auntie Precy na problema sa akin, masaya at excited parin akong makita si Jacob.

“Ako na…” ani Auntie at mabilis na pinagbuksan ang kumakatok.

Kahit nasa kusina ako ay naririnig ko ang maligayang batian ni Auntie Precy at Jacob.

“Magandang gabi, Auntie Precy. Nandito na si Rosie? Kanya po ba ang mga gamit na ‘yan?” tanong ni Jacob.

Napangiti ako. Halos mabali na ang leeg ko kakatingin sa bukana at kakahintay na maaninag ko siya. At nang nakita ko na nga siya ay lumapad ang aking ngiti.

Kitang kita ko ang pagkagat niya sa kanyang labi. Pinaulanan niya ng halik ang aking pisngi.

“Jacob, kumakain ako!” sabay tili ko.

“Jacob…” saway ni Auntie.

Ngumisi siya at umupo sa tabi ko. Tumingin siya sa aking pagkain bago nagsalita.

“Ngayon ka pa lang mag di-dinner?”

Tumango ako. “Pagod ako sa byahe, e. Natulog lang ako habang nasa bus…”

“Bakit ba kasi hindi ka pumapayag na ipadala ko sa’yo ang Hummer pag umuuwi kang Maynila?”

“Jacob, paano kapag aalis ka sa inyo? Anong sasakyan mo?” tanong ko.

“Marami kaming mga truck, Rosie… O sige, ganito na lang. Bibili ako ng kotse para dito sa Alegria. Ang Hummer, pwede mong dalhin sa Maynila kasama ang dalawang drivers ko.”‘

Habang nagsasalita si Jacob ay nagkatinginan kami ni Auntie. He’s spending money like it’s not going to run out. Hindi ko alam kung alam pa ba ni Jacob ang ginagawa niya.

“Jacob, hindi na kailangan iyon. Gagastos ka na naman…” sambit ko.

“Jacob, ‘yong Tito at Tita mo nasa bahay ninyo pa?” singit ni Auntie Precy.

“Ah, oo Auntie,” sagot niya.

“Bakit daw sila nandito? Ang akala ko, nakabalik na ng America sina Samuel at Lydia?”

“Sinamantala na lang din nila ito para makapagbakasyon. Napabisita lang sina Tito Samuel at Tita Lydia dahil sa negosyo…” ani Jacob.

Mariin ko siyang pinagmamasdan. Tinitimbang ko kung ano na talaga ang estado ng lahat ng ito. Hindi siya makatingin sa akin ngunit wala ni isang bakas ng pangamba sa kanyang mukha.

“Bakit? Ano na ba ang nangyayari sa negosyo n’yo?” singit ko, pinagmamasdan parin siyang mabuti.

“Nagbawas kami kanina ng mga tao sa J.A. Mahirap kasi lalo na’t iyong ekta ektaryang na peste, hindi pa matataniman dahil hindi pa fertile ang lupa.”

“Kung taniman mo kaya ng ibang pananim?” tanong ni Auntie.

Tumango ako bilang pagsang ayon.

“Pwede naman sigurong huwag munang mais ang itanim mo, hindi ba?” dugtong nito.

“Iyong mga kailangan kasi ng kliyente ay mais. Doon kasi talaga nag sesentro ang J.A.”

Napatingin na si Jacob sa akin. Ngumiti siya na parang wala lang ang lahat ng ito sa kanya.

Pero ako, pakiramdam ko medyo mabigat na talagang problema ito. Pakiramdam ko ilang kalabit na lang babagsak na talaga lahat ng pinaghirapan ni Don Juan Antonio at ni Jacob.

“Kamusta ang poultry at babuyan? Balita ko’y nagbawas din kayo ng mga tao doon?” tanong ni Auntie.

Nagkatinginan ulit kaming dalawa.

“Oo. Kailangan na pero ibabalik ko rin naman sila kapag nakabawi na ang J.A.”

Binagsak ko ang mga mata ko sa aking pagkain. I tried to act calm but my thoughts are tangled.

Kung bibitawan niya ang trucking, maaaring mababawi niya ang J.A. Pero kapag hindi, baka ito na talaga ang pagkakabagsak ng J.A. Foods.

“Kumain ka pa, Rosie… Namamayat ka na…” saway niya kaya naibalik ko sa kanya ang aking mga mata.

Should I ask Jasmine to take it? Kung ako kaya ang magbibenta nito tutal ay sa akin naman nakapangalan? Kung tatanungin ko si Jacob at magsusuggest ako, paniguradong hindi siya papayag. Pero ito na lang ang sulusyon para matapos ang kanyang problema. May iba pa ba? Bakit nandoon ang Tita at Tito niya sa kanila? Ano kaya ang mga naiisip nila? Makakatulong kaya sila?

Binalik ko ang buong atensyon ko kay Jacob. Bumaba ang tingin niya sa aking labi. Nakaawang na kasi ito dahil sa dami ng iniisip ko. Tinikom ko iyon dahilan kung bakit bumalik ang mga mata niya sa aking mga mata.

Pumungay ang mga mata niya. He really is damn good looking. Galing sa kanyang medyo magulong buhok, matangos na ilong, malakas na panga, at nakakapang akit na labi. I hate to think that he’s hiding something from me. Naiinis ako na alam kong may problema siyang tinatago sa akin. Naiinis ako na hindi niya kayang ipakita sa akin na nahihirapan na siya. Gustong gusto kong pasanin ang problema niya para ako na lang ang mahirapan pero ayaw niyang ipakita man lang sa akin ito.

Isang hilaw na ngiti ang pinakawalan ko bilang ganti sa kanya. “Pagkatapos kong kumain, punta tayo sa inyo?”

Napawi ang ngiti niya. Humugot siya ng malalim na hininga. Nilagay niya ang takas na buhok ko sa likod ng aking tainga.

“Dito ako matutulog ngayong gabi. Kung papayag si Auntie?” ngumiti siya kay Auntie Precy.

“Gusto kong kausapin ang Tito Samuel mo…” sabi ko.

Tinitigan ako ni Jacob, pagkatapos ay umiling siya.

“Puro negosyo lang ang bukambibig noon. Dito na tayo, Rosie. Ito na nga lang ang pagkakataon kong makawala sa pag iisip tungkol sa aming negosyo, ipagkakait mo pa. Please, Rosie…” malambing niyang sinabi.


[xyz-ips snippet=”xyz-post-navigation”]

One thought on “Baka Sakali 3 – Kabanata 6

Leave a Reply to RICACancel reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

error: Content is protected !!

Discover more from Jonaxx Stories

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading